Lunes, Oktubre 10, 2016

aking nena



“Aking Nena”


            Madilim… naging madilim ang buhay na dating may sigla. Ako’y nababalot ng kalungkutan at pighati. Ako ay mistulang laruan na pinaiikot sa kamay ng demonyong maituturing. Demonyong nagsamantala ng aking puri, mga demonyong nangdudura sa aking katawan. Bakit ako naging ganito?Bakit ako naging ganito?
            Kalian ko kaya masisilayan ang aking Nena? Ang aking Nena na sa gabi’y naririnig ko ang kaniyang pagtangis… ang kaniyang pagsaklolo at maging ang pagtawag niya sa akin. Ginawa rin ba siyang katulad sa akin? Hindi… Hindi iyan maaari…  Diyos ko? Bakit kami pa ng aking Nena? Bakit??
            Walang oras na hindi ako tumatangis. Sa bawat patak ng aking mga luha, kaakibat nito ang pag-aalala sa aking Nena. Gabi-gabi ako’y sumisigaw ng saklolo na sana’y may mahabag sa akin. Ngunit, pawang bingi ang paligid. Walang may nakaririnig ng aking pagsambit. Wala kong may nakikita sa lugar na ito, maliban sa mga mukha ng demonyong humahamplos, nangdudura at naglalaro sa aking katawan. Wala na akong maipagmamalaki pa sa aking Cardo. Wala na… Waring ako’y isang PUTANG walang kuwenta! Wala nang kuwenta!
            Hayan na naman, naririnig ko ang pagkatok mula sa pintuan. Palakas nang palakas ang pagkatok!! Ayaw kong marinig ang pagkatok na iyan! Nabibingi ako… Nabibingi ako maging sa lakas ng tibok ng aking dibdib. Ayan na, unti-unting lumiliwanag ang silid. Wala akong magawa kundi yakapin ang sariling katawan, magpikit ng aking mga mata at pilit na magsisiksik sa isang sulok.  Isang walang hiyang demonyo na naman ang papasok sa aking kaluluwa. Inaasahan ko na ang susunod na mangyayari. Ngunit, mali sa aking inaasahan ang aking nakita. Nasilayan ko ang babaeng dala-dala ang aking Nena. Hindi ako nagdalawang-isip na tumakbo para kunin ang aking Nena… ang aking Nena na matagal ko nang ninais mahagkan. Ang aking Nena na nais kong maikandong sa aking mga bisig…  ang panandaliang liwanag ay nabalot ng dilim. Ang aking mga luha’y patuloy pa rin na pumapatak. Wala na ang pulang lasong nakapusod sa kaniyang mangilaw-ngilaw na buhok. Kupas na ang mapupulang labing kinagigiliwan ko noon, maging ang magandang bestidang regalo ko sa kaniya noon. Kaawa-awang anak ko…!


Lunes, Agosto 22, 2016

Bakit ako nagkulang?


BAKIT AKO NAGKULANG?
Ni: Shiela Mae G. Esitan BSED-Filipino

Ako ang inhinyero ng gusaling matayog
Ako ang arkitektong nagdisenyo nito
Ang pagbuo nito ay nakasalalay sa aking mga kamay.

Itinanim, diniligan at ako ang mamimitas
ng mga prutas sa matataas na punongkahoy sa aming bakuran.

May bahaghari namang lumilitaw pagkatapos ng ulan
Hirap at dusa man ay mararanasan
Tatangis man nang pagkalakas-lakas
Alam kong pagkatapos nito, ngiti sa aking labi ang maisisilayan
Dahil mga hangarin ko ay akin nang matutupad.

Ngunit, isang ulan na pagkalakas-lakas
Kulog at kidlat na kasindak-sindak
Ang gumiba ng lahat-lahat na pinamulaklakan mula pa pagkabata.

Ang gusaling matayog ay nagiba
Hindi na mamumunga ang punogkahoy sa aming bakuran
At wala nang bahaghari, pagkatapos ng ulan
Dahil ang lahat ng ito’y pawang abong wala ng buhay.


Linggo, Enero 17, 2016

PANGALAWANG PAGKAKATAON




Tayo’y pinagtagpo nang hindi inaasahan
Umibig ang puso nang hindi namamalayan
Puso’t damdamin ay nagkaunawaan
Alam kong ang mga ito ay may dahilan

Mga kamay mo ang naging sandalan
Laging nandiyan tuwing may pangangailangan
Pinapawi ang lungkot at hinagpis na nararamdaman
Palagay ko’y, ikaw na ang sa akin inilaan

Pagsasamaha’y  hinubog ng panahon
Minsan narin tayong sinubok ng pagkakataon
Nagkalayo ma’t nawalan ng komunikasyon
Hiling ko pa rin ay maitama ang mga pagkakamaling
nagawa natin noon

Sa wakas panalangin ko’y  pinakinggan at nagkatotoo
Tayo’y binigyan ng pangalawang pagkakataon
At sinisikap na maging matatag itong relasyon
Dahil tayo’y pinagtagpo ng Panginoon

Malayo ka man at hindi nakasasama
Ikaw pa rin ay nasa puso ko, sinta
Sana nama’y pag-ibig mo’y hindi na magmamaliw pa
Dahil ako’y nag-aasam na ikaw na, ikaw na sana

Isang prinsesa ang nagpamulat sa ating dalawa
Prinsesang anghel , na biyaya ang dala
Prinsesang sa atin ay nagpapasaya
Sana naman tayo ay maging isang masayang pamilya

Mahal, tatagan mo ang iyong loob
Dahil ganyan din ang ginagawa ko
Pilit na nilalagpasan ang mga pagsubok na ito
Dahil tagumpay natin ang aking gusto.

Huwebes, Oktubre 8, 2015

"BANGKA"


Naisulat ko ang tulang ito bilang pagbibigay pugay sa mga mangingisdang may tapang na harapin ang bawat along sumusubok na pataubin ang bangkang sinasakyan. Ang mga mangingisda ay tunay na matatapang, kinakaya nga lahat, maiangat lamang ang pamilya sa gutom.     
        - MAY-AKDA



                                            " BANGKA"

Hampas ng along nakaatakot
Bangka ni amaý nasa laot
Pilit na nilalabanan ang pagod
Upang kami ni inaý maitaguyod
At sa hirap, ‘di malunod

Panggamba ni inaý, ‘di matapos-tapos
Araw-araw, sa altar nakaluhod
Dinadalanging si amaý ligtas at biyayaan nang lubos
Nang si Inaý mapanatag at akoý makapagtapos
Hito’t galunggong, ang sa Bangka ni ama, sanaý naroroon.

Naalala ko pa noon, ang sabi ni ama
Ang buhay ay parang isang bangka
Sumasabay sa alon ng buhay
Kung hindi matibay ang iyong pagkakagawa
Tiyak tataubin ka’t lulunurin pa.

Kaya,ayaw ni ama, akoý matulad sa kaniya
Sa laot na ang naging buhay, mula pagkabata
Akoý pinag-aral, nang may maipagmamalaki siya
Wika niya pa noon,“Ang anak ng mangingisda ay ‘di mananatiling mangingisda,
Kundi maaaring maging isang magaling na maestra“.




"KALAYAAN, NASA ATIN NA NGA BA?"

          Bago paman naging Demokrasya ang ating Bansang Pilipinas at bago paman nagkaroon ng kalayaan ang ating bansa, lubhang katangis-tangis ang mga naging karanasan noon ng ating mga ninuno.Tila mga bihag na nakagapos ang kanilang mga kalayaan. Tila mga pipi't bulag na hinahayaang nakatikom ang mga bibig at nakapikit ang mga mata nang di makakontra sa mga kapintasang nararanasan.

          Paano nga ba ito kinaya ng ating mga ninuno noon? Halatang takot sila at sumunod na lamang nang di na mapahamak pa. Nang dahil sa mga kapintasang ito, natuto ang mga Pilipinong maghimagsik laban sa mga taong mapang-api at mapanghusga. Nagpakabayani ang iilan upang mamuno sa pag-aaklas. Isa na rito sina Andres Bonifacio, Antonio Luna, Gregorio Del Pilar, na nakipaglaban gamit ang sandata samantala sina Jose Rizal, Marcelo H. Del Pilar, at Juan Luna na nakipaglaban gamit ang kanilang mga talento at kasanayan sa pagsusulat at pagguhit. Kung kaya, sila ay pinupuri nang lubos. 

      Nang umupo bilang presidente si Corazon Aquino, nakamit ng mga Pilipino ang demokrasya. Demokrasyang nagbigay ng kalayaan at karapatan sa mga Pilipino. Ang dating mga pipi't bulag sa mga pangyayari ay ngayo'y mga aktibista na naninindigan sa kanilang mga prinsipyo't karapatan. Sa mga pangyayaring nagaganap sa kasalukuyan, nakamit na nga ba natin ang tunay na kalayaan? Oo, nakapagrereklamo tayo sa mga maling gawi ng ating gobyerno, may mga medyang tagasubaybay sa mga maling kilos na nangyayari sa ating kapaligiran. Ngunit sa ating mga sarili? Tunay nga bang nakakamtan natin ito? o tayo'y nagbubulag-bulagan lang?


Linggo, Oktubre 4, 2015

"MAGITING NA HENERAL"




"PAGKILATIS SA PELIKULANG HENERAL LUNA"

Isang pelikulang sumilip sa isang makasaysayang kaganapan sa pagtatanggol ng Bayang Pilipinas.Pinamulat sa mga Pilipino kung paano maging Bayani para sa sariling bayan at buhay ang inalay dahil sa pagmamahal sa Lupang Tinubuan. Isang madugong labanang nag-udyok sa mga Pilipino sa pagkamit ng tunay na kalayaan. Hindi man tayo naging saksi sa mga kaganapang ito. Subalit, kinakailangang maging bukas ang ating isipan para tuklasin ang mga kaganapan sa nakaraan.Kinakailangang bigyang puri ang pagkabayani ng ating mga ninuno para ipagtanggol ang ating sariling Bayan.Magsisislbi itong tulay upang mas maging mapagmahal pa tayong mga Pilipino sa ating sariling bayan. Magiging daan ito upang mas mas magkaroon pa ng pagkakaisa sa bawat Pilipino.


ELEMENTO NG PELIKULA

Sequence ng Iskip



Kapansin-pansin na may halong kastila ang pananalita ng mga tauhan sa pelikula. Hindi man ito purong tagalog, subalit kapansin-pansin na sadyang matalinhagan ang kanilang pagpapahayag ng mga linya na talagang makapagpapaisip sa mga manonood kung ano ang ibig sabihin ng kanilang mga isinasabi. Kung hindi kritikal ang pag-iisip ng isang manonood, tiyak mahihirapan siya para intindihin ito. Masasabi ko rin na dahil sa makata ang mga tauhan sa pelikula, kinakailangang makata rin ang paggawa ng mga iskrip base sa kung sino ang magpapahayag nito. Bagama't may napansin ako sa mga ekspresyon ng mga tao noong unang panahon,dahil na rin sa impluwensiya ng mga kastila, natuto ang mga Pilipinong magmura at magsalita ng mga hindi magagandang salita.

Pananaliksik


Ang Pelikulang Heneral Luna ay isang makasaysayang pelikula. Hindi maisasagawa ang pelikulang ito kung walang sapat na impormasyon at pananaliksik sa mga mahahalagang pangyayari noong unang panahon nang sinubukan ng mga Amerikano na sakupin ang ating Inang Bayan. Ito ay ginawa base sa kasaysayan, kung kaya kinakailangana ng masusing pananaliksik

Sinematograpiya

Hindi maipagkakailang maganda ang mga kuha ng lente ng Kamera sa Pelikula. Lalo pa’t talagang ipinapakita ang mga eksenang sa tingin mo ay hindi mo kayang panoorin dahil sa ito ay maseselan at puro patayan. Subalit, kung atin bigyang halaga ang bawat "shots" mayroon sa bawat eksena, mayroon itong pinagbibigyang diin. Balikan natin ang pelikula, nang si Heneral Luna ay nasa kaniyang silid kasama ang kaniyang ina at tila balisa sa mga bagay-bagay, nagkakaroon ang eksenang ito ng “flashbacking” noong siya ay bata pa lamang kasama ang kaniyang pamilya na masaya at maligaya. Sa pagkukuwento ng kaniyang ina tungkol sa kanilang nakaraan, nag-iiba ang bawat tagpo at maganda ang “transition” na nagaganap sa bawat pangyayari. Dagdag pa rito, nang nakaupo si Heneral Luna sa taas ng bundok, ang kuha ay paitaas o ang tinatawag nating “Bird’s eye view”. Ipinapakita dito na kay liit-liit ni Heneral Luna at tila marami ang kaniyang mga kalaban at sa subrang liit niya, siya ay nag-iisa para ipagtagumpayan ang kaniyang mga layunin bilang isang Heneral.Subalit, ipinapakita parin ng Heneral na siya ay matatag at ipinaglalaban niya ang kaniyang sariling bayan. May mga kuha din na tinatawag nating "close-up" na sa bawat daloy ng dugo mula sa ulo ng isa sa mga Comandante ni Heneral Luna, binibigyang diin na sa bawat pagmamaktol ay hindi imposibleng dugo ang dadaloy.

Musika/Tunog:

Ang musika ang nakapagdagdag ng emosyon at empasis sa bawat eksena. kpansin-pansin na kapag seryoso ang eksena, seryoso din ang musika. Kapag malungkot ang eksena, malungkot din ang musika. Ngunit, ang pelikulang ito ay hindi naman purong seryoso ang bawat eksena, kapansin-pansin na kapag naririyan sa eksena ang isa sa mga komendante ni Heneral Luna , nag-iiba ang musika at napapalitan ito ng tila nakakatawang musika, kung kaya kaming mga manonood ay natatawa rin.Kung kaya, hindi nagiging boring ang pelikula dahil nilapatan ito ng iba't ibang tunog at musika

Disenyong Pamproduksiyon

Kung maganda ang mga nailapat na mga musika at ang bawat kuha ng mga eksena, hindi rin maipagkakailang maganda rin at naangkop ang disenyong Pamproduksiyon mayroon ang bawat eksena. makikita ang mga lumang simbahan, lumang kasuotan ng mga tauhan, lumang sasakyang pangtransportasyon na kung saan ito ay ang karwahe, maging ang mga lumang kasangkapan mayroon ang mga Pilipino noong unang panahon. Hindi maipagkakailang, gumasta ng milyon-milyon ang peilukang ito upang gawing makatotohanan ang bawat tagpo na makikita sa pelikula.

Pagdidirhe:

Magagaling ang mga artistang kinuha sa pelikula at napagtagumpayan nilang gampanan ang bawat gampanin nila sa pelikula. Sa pagdidirhe ng pelikula, may mga Amerikanong kinuha bilang tauhan upang mas maipahayag ng makatotohanan ang pelikula. Ganun din naman ang bawat tagpo ay may angkop na disenyong pamproduksiyon at maging ang mga linya ay talagang makatang-makata.

Huwebes, Oktubre 1, 2015

"SINO NGA BA AKO?"


"SINO NGA BA AKO?"


Ako ang masayahing batang nagsusumikap

Para sa ikatatagumpay ng aking mga pangarap.


Ako ang matapang at tunay na lumalaban,

Lahat kinakaya at walang pinagsusukuan.


Ako ang taong maiyakin, kapag nasasaktan

Bawat pag-iyak koý, may pinapakahulugan.


Ako ang simpleng taong, walang pinapasino,

Hanggat nasa tama ang pinaninindigang prinsipiyo.


Ako ang taong hinding-hindi magpapa-api,

Pagka’t isinilang akong huwag maging api.


Ako ang taong sa bagay marunong makuntento

Di namimilit sa kung ano ang wala ako’.


Iyan ay ako, di kailangang magbalat-kayo

Para magustuhan lamang ninyo


Pagkat ang totoong ako, di ko tintago

Dahil, ako ay ipinanganak nang ganito.